54 Maute kinasuhan ng DOJ

Sa kasong pagdukot noong 2016

MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kaso sa korte ng Department of Justice (DOJ) ang 54 hinihinalang miyembro ng Maute kabilang na ang isang doktor dahil sa nangyaring pagdukot sa anim na manggagawa ng isang sawmill sa Lanao Del Sur noong 2016 kung saan dalawa sa mga biktima ay pinugutan pa.

Sa 20-pahinang resolusyon, pinatawan ng DOJ ng apat na ulit na reklamong kidnapping at serious illegal detention at dalawang ulit na reklamong kidnapping at serious illegal detention with murder ang mga respondent na kinabibilangan ang isang doktor na si Dr. Russel Langi Salic.

Ang kaso ay inihain sa Malabang, Lanao del Sur Regional Trial Court.

Si Salic na isang orthopedic surgeon ay suspek din sa planong paglulunsad umano ng teroristang pag-atake sa New York City sa Amerika sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera.

Mayroong nakabinbing extradition request ang Estados Unidos para kay Salic na nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI) detention center.

Bukod kay Salic, naaresto na rin ng mga otoridad ang tatlong iba pang respondent sa nangyaring pagdukot noong 2016 sa Butig, Lanao del Sur na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendell Apostol Facturan, at Musalli Musta na nakakulong naman sa Davao City Jail.

http://www.philstar.com/bansa/2018/01/31/1783099/54-maute-kinasuhan-ng-doj

Post a Comment